Reader Advisory

Some articles posted in The SlickMaster's Files may contain themes, languages, and content which may neither appropriate nor appealing to certain readers. READER DISCRETION is advised.

Tuesday, June 11, 2013

Independence Day Na! Eh Ano Ngayon?!

2:26:23 PM | 6/11/2013 | Tuesday

June 12 na naman sa kalendaryo. At ngayong taong dos-mil-trese, ay 115 na beses na pala tayong magdiriwang ng araw ng kasarinlan ng ating bansa. Tama ka, 115th Independence Day na natin sa darating na Miyerkules, Hunyo 12, 2013.

Kaso… ano naman ngayon?! 
May bago pa ba sa mga kaganapang ito, na magwawagayway ng watawat ng ating bansa sa Kawit, Cavite, pati na rin sa iba’t ibang mga lugar sa ating bansa? Wala na namang pasok sa opisina’t eskwelahan, samahan mo pa ng libreng sakay sa LRT at MRT, bentahan ng mga replica ng ating sagisag na watawat ng bansang Republika ng Pilipinas. Kabi-kabila rin ang mga palatuntunan at plataporma na naglalarawan sa ating kasarinlan (kahit minsan, hindi ko na rin maiwas-isipin na lahat ay drama, sarswela at moro-moro lang na pang-aliw sa mata ng karamihan sa atin na mga mababaw at nagtago na sa kanilang anino ng kaignorantehan). Makikipagrakrakan na naman at lalabas ang mga musika at tema na may kinalaman sa ating lipunan.

Taunang selebrasyon. As in minsan lang naman ito sa isang taon. Walang masama sa pagdiriwang ng ating kasarinlan. Pero kapag natapos ang lahat, ano na? Pustahan, gasgas na naman o parang siklo na lang ang ating kamalayan ukol rito.

Panahon na naman para maging makabayan ang halos bawat Pilipino sa ating bansa, pati na rin sa ibang bayan.

O tapos? ‘Pag lumipas ang araw ng Kalayaan, balik na naman tayo sa dating gawi. Mga walang pakialam sa pagiging makabayan, pati na rin sa isyung napapanahon sa ating bayan. Balik rin sa pagiging utak kolonyal. Balik rin sa pagiging konyo kahit barok naman ang binibitawang salita (buti sana kung nasa cubicle noya nagtatrabaho e). Balik sa pagiging obsessed sa romantisismo ang emosyon, at pati na rin ang kaisipan, sa kabaawan na estado nito. Mga taong mag-iisip na “Punyeta! Dapat nag-OFW na lang ako at tumira na sa ibang bansa!”

Independence Day na! Eh ano ngayon? Panahon nga ito para alalahanin ang mga taong nagbuwis ng buhay para mapalaya ang ating bansa. Kaso, kilala ba talaga natin sa isip, salita at gawa ang mga ‘to? O dahil mga pigura lang sila sa asignatura ng ating kasaysayan?

Malaya na nga tayo, kaso pinahalagahan ba natin ‘to?

Mantakin mong ilang beses na tayong lumaya. Mula sa paghasik ng kalagiman ng bansang Japan noong ikalawang digmaang pandaigdig, pananakop ng Amerikano at rehimen ng diktador na si Ferdinand Marcos, pero ano na nga ang nangyari? Nakalaya nga tayo pero pinahalagahan ba natin ang kalayaan na ‘ting inasam? Hindi, dahil inabuso rin natin e.

Sa sobrang laya natin, umaabuso tayo sa ating alintuntunin bilang isang bayan. Kaya minsan napupuna tayo sa ating kalauktutan. In which we respond, na may nag-aalab na emosyon pero menos naman ang ating pag-iisip ukol rito. Parang mga tanga’t gago lang.

Natapos nga tayong lumaya e balik pa rin tayo sa pagiging walang pakialam sa ating bayan. Sa halip na pahalagahan natin ito, wala. Panay ngawa tayo ng ngawa. Husga sa pamahalaan, pero tamad sa sariling kakayahan. Walang naitulong pero may gana pang magreklamo.

Oo, may freedom nga tayo. Kaso, ano? Freedom of speech lang?!

Asus!

Sana naman pagkatapos ng Independence Day na ‘to (hindi yung pelikulang banyaga na sci-fi na tumatalakay yata sa alien invasion ba yun o sa katapusan ng mundo? ewan), ay isadiwa naman natin paminsan-minsan (hindi yung minsan sa isang taon lang) ang ating pagiging makabayan. Ang ating pagiging Pilipino. Kung hinsi dahil sa kasarinlan natin 115 taon na ang nakalipas, baka iba ang takbo ng buhay natin. Baka nga hindi pa tayo malaya at makilala bilang mga Pilipino, mga mamamayan ng bana na kung tawagin ay Republika ng Pilipinas.

‘Yun lang. Corny no?

Hindi, mas corny ka. Mababaw at wapakels ka e.

Author: slickmaster | © 2013 september twenty-eight productions

No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!