Reader Advisory

Some articles posted in The SlickMaster's Files may contain themes, languages, and content which may neither appropriate nor appealing to certain readers. READER DISCRETION is advised.

Thursday, April 17, 2014

Noon at Ngayon: Semana Santa

4/17/2014 12:07:02 PM

Ibang-iba na talaga ang panahon. Parang kailan lang… Pasko, Bagong Taon, Valentine’s Day, Ash Wednesday at Graduation Day mo, no? Ngayon, panahon na naman ng katahimikan. Tila paglukuksa ba? Di naman siguro. Pero kakaiba kasi sa tipikal na araw at holiday ang tinatawag na “semana santa.”

Oo, semana santa. Ang panahon kung kelan biglang nagpapakatino ang karamihan, partikular ang mga Katoliko. Ang panahon kung kelan tahimik ang iyong radyo. Kung bakit sarado ang inyong paboritong mall. Kung bakit bigla kang walang pasok mula sa iyong trabaho at summer classes.

Pero iba na talaga ang panahon ngayon. Dati, saradong-sarado ang lahat ng lugar, maliban na lamang sa mga simbahan at piling kainan. Pili rin ang numero ng mga pampasaherong sasakyan.

Pero hindi porket Semana Santa ay hindi na matrapik. Lalo na kung may road reblocking.

Dati, wala kang makikitang palabas sa telebisyon. Ngayon, meron naman kahit papaano. Pero kung umaasa ka ng balita, aba’y wag kang nang umasa pa; dahil ‘di porket hindi natutulog ang balita ay hindi na rin natutulog ang mga tagapagbalita.

Siyempre, pahinga-pahinga din ‘pag may time, ano? 24/7 na nga sila kung makapagtrabaho para lang may mapanood, mapakinggan at may mabasa ka eh. ‘Di sila robot.

Dito nga rin magsisulputan ang mga tulad ng “7 Last Words,” at iba pang mga relihiyosong palabas sa TV na hindi mo makikita mula sa kanla ni kahit sa araw ng Linggo (misa lang ang madalas). Ito ang panahon na biglang mag-iiba ang tema ng entertainment para sa iyo. Hindi ito ang entertainment na nakakaliw. Pero ito ang tinuturing nila na inspiring, kasi para magbagong buhay ka naman, no? at walang masama dun. Kailangan din natin ng tinatawag na ‘food for the soul’ paminsan-minsan.

I just hope na mas okay pa rin sana ang programming kung inspirational drama ang mas ipapalabas gaya na lamang ng dating “May Bukas Pa,” “Honesto” at iba pang katulad. Kung pwede nga lang na suhestiyon ay i-ere muli ang mga antigong episode ng Holy Week special ng Eat Bulaga.  Nakapanood rin ako nun minsan, yung "The Manager” ata na episode yun tampok ang yumaong Master Rapper na si Francis Magalona.


Semana Santa. Panahon ng mga sarkripisyo, kaya marami ring naga-alay lakad mula bahay nila papuntang Divine Grotto, o pwede ring sa Quiapo, o dili naman kaya'y sa Antipolo. Walang pakialam kung gaano kalayo ito o kung gaano itatagal ang lakad nila, o ni kung gaan o katitibay ang mga paa't tsinelas nila. Basta makarating sa paroroonan, kuntento na sila. Saglit na panalangin lang, uuwi na rin sila pagkatapos.

Walang masama dito, lalo na kung napapaseryoso naman ang adhikain mo, at hindi yung magpapapiktyur ka lang sa daan para lang masabi na 'in' ka. Oo, kung nasa Diyos talaga ang panalangin mo at hindi sa pag-akit mo sa mga chikababes. Oo, walang masama dito lalo na kung panalangin mo sa kanya ang nais mo, at hindi mahawakan ang kamay ng syota mo (mahiya ka naman 'oy, sinisira mo ang tila sagradong panata ng mga sarado Katoliko eh).

Semana Santa. Panahon ng mga 'pabasa.' At hindi ito pabasa ng kung anu-anong libro ni Paolo Coelho o ni Mitch Albom. Kundi isang libro na literal na ang kwento ng mga pangayayari sa panahon ng Kwaresma. Maaring nakaririndi na sa tenga ang tono nila, lalo na kung di ka sanay sa mga ganung sobrang klasiko ang tono ng pagkanta.

Pero sa ngayon, meron din namang mga rap version nito ah. Samu't saring reaksyon na nga lang. At kung ganun, wala na rin ako ma-say dyan, tutal di rin naman ako ganun ka-fond sa mga tulad ng Pabasa.
Pero ito rin ang Semana Santa kung saan ay tila pista sa iba’t ibang lugar, tulad ng Moriones sa Marinduque. Pero hindi ito tipikal na selebrasyon. Dahil may kinalaman pa rin ito sa diwa ng ‘Mahal na Araw.’ Meron ding Senakulo, at pati yung pagpapapako sa krus sa Pampanga at iba pang mga lalawigan.

Semana Santa. Panahon kung saan nagninilay-nilay ang mga tao. Marami na ba tayong nagawang kasalanan? Masyado na ba tayong tarantado? Nakakalimot ba tayo sa obligayson natin bilang Katoliko?

O panahon ito para magbakasyon? Magbeach sa Puerto Galera’t Boracay? Tpping mag-a-uniwind lang.
Party mode ba ang peg? Naku, sa Boracay, di na yan pwede. Sa unang tingin, maaring KJ. Pero ito ang problema, nasa isang bansa tayo na ang predominant religion ay Roman Catholic. Kaya ang nakikita kong angulo lang dito ay ang ‘pakisama.’

Semana Santa. Panahon ng pagdarasal. Actually, aminin man natin o hindi – unless hindi ka lubusang naniniwala sa parehong relihiyon at Diyos – palagi naman tayo nagdadasal eh. At walang masama dun. At kung di ka naman kaanib? Walang masama rin dun. Kanya-kanyang paniniwala lang naman eh. Respeto na lang.

Panahon ng paniniwala. Panahon ng panata. Panahon ng katahimikan at pagbibigay-galang ayon sa mata ng mga konserbatibo at sagrado. Moreover, ito ang panahon ng pagbabalik-loob.

Ito ang Semana Santa. 

Author: slickmaster | © 2014 september twenty-eight productions

No comments:

Post a Comment

Feel free to make a comment as long as it is within the bounds of the issue, and as long as you do it with decency. Thanks!